Comelec Chair Andres Bautista Ukol Sa Asawa: May Iba Na Siyang Minamahal

Comelec Chair Andres Bautista Ukol Sa Asawa: May Iba Na Siyang Minamahal

124
0

Naniniwala si Commission on Elections Chairman Andres Bautista na sigalot sa pagsasama nilang mag-asawa ang ugat ng alegasyon na mayroon siyang mga nakatagong yaman.

Inihayag ito ni Bautista sa panayam ng “Unang Hirit” nitong Lunes, matapos magsumite ang asawa niyang si Patricia ng sinumpaang salaysay sa National Bureau of Investigation tungkol sa umano’y halos P1 bilyong ill-gotten wealth ng Comelec official.

“Matagal na po kaming may problemang mag-asawa na ngayon ay binabahiran ng pulitika,” ani Bautista. “Kaya nga po kami may problema, nung 2013 pa, meron na po siya sigurong ibang minamahal.”

Gayunman, pinipilit umano niyang isalba ang kanilang pagsasama alang-alang sa kanilang mga anak.

“I tried to save the marriage dahil bata pa po ‘yung aming mga anak. At kami po ay nag-counseling at lahat pero talagang desidido na yata talaga siyang humiwalay,” paliwanag niya.

“Nakikita niyo po, pera lang ito dahil pataas nang pataas po ‘yung kanyang hinihingi na pera at lahat po ‘yan ay nakadokumento at meron po tayong testigong ihaharap,” patuloy ni Bautista. “Ito po ay isang kaso ng pangingikil at panggigipit.”

Ayon kay Bautista, nakakuha ng dokumento ang kaniyang asawa noong Nobyembre 2016 nang mag-withdraw ito ng $117,000 mula sa kanilang joint bank account at kumuha umano ng mga armadong lalaki para hindi siya makapasok sa kanilang bahay.

“Nung ako po ay nasa Amerika, bigla pong nag-withdraw ang aking misis ng $117,000 at P250,000 sa aming joint account at inilipat sa kanyang account,” ayon kay Bautista.

“Ako po ay pinagbawalang umuwi sa aking sariling pamamahay. In fact, naglagay po sila ng mga goons, armed goons po dun sa aming condo unit para hindi po ako makapasok,” kuwento pa niya.

Nang pinayagan na siyang makapasok sa kanilang bahay, ilang dokumento umano ang nawala at binago para gamitin daw na basehan laban sa kaniya sa alegasyon ng mga tagong yaman.

“After two hours, nung ako po ay nakapasok, nakita ko po na ang akin pong locked cabinets ay binuksan at may mga dokumento na pag-aari ko po at pag-aari ng aking pamilya na ninakaw at later on dinoktor tapos dun gumawa ng mga imbento,” kuwento pa ni Bautista.

“Sa susunod na araw po, meron kaming common friend na sinabi, ‘O ang pag-aari mo daw ay P2 billion.’ Kaya’t ang hinihingi po nila ay P1 billion plus ‘yung dalawang unit sa Pacific [Plaza Towers]. Sabi ko po sa kanila kung ako po ay merong P2 billion ay sa kanila na dahil hindi po ‘yan totoo,” hamon niya.

Sinabi ni Bautista na nakipagkita siya kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pahayagang Inquirer para ipaliwanag at idepensa ang sarili kaugnay sa alegasyon ng asawa.

Giit ni Bautista, nasa panig niya ang kaniyang pamilya, maging ang pamilya ng kaniyang asawa.

“Kasama ko po ang buong pamilyang Bautista at ng kanyang pamilya, ang Cruz-Vazquez, sa labang ito at ipapakita po namin na ito po ay isang kaso ng pangingikil at panggigipit,” ayon sa opisyal.

Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Bautista na hindi niya nais maisapubliko ang sigalot sa kaniyang pamilya para maprotektahan ang kaniyang mga anak pero wala na umano siyang magawa ngayon matapos ang ginawang pag-aakusa ng misis.

 

Disclaimer: Contributed articles does not reflect the view of trendinggossiptoday.com This website cannot guarantee the legitimacy of some of the information contributed to us. You may do additional research if you find some information doubtful.

 


Comments

comments

Loading...